Sa iyong paglisan


Lumipas na ang panahon
mga araw ay nagdaaan.
Sa kabataan noon 
hanggang sa pagtanda.
Nalalapit na kaarawan
tila'y di malayong naaaninagan.


Isang matandang puno
na nakatakdang matuyo.
Mga prutas na kay tamis
kanilang mga buto'y magpapatuloy.
Sa pagdating ng kapanahunan
ika'y mamamatay at lalamunin ng lupa.


Waring sa pagdaan ng araw
naririnig na mga tawag.
Sa paghahandang ganap
mga malalapit na mahal ay hanap.
Pag-gunita sa mga araw
tila malapit nang magwakas.


Pagaalinlangan di maalis
mga matang nangangamba.
lubus-lubos na kalinga
pinadaramang walang humpay.
Pilit ngumingiti sa nadarama 
ngunit bakas sa mukhang malungkot.


Kay bilis ng panahon 
sa buhay na may hangganan.
Mga alaal'y gunita
bumabalik sa isipan.
Mga bagay na di malilimutan 
sa panahong magkakasama.


Sa pagsilip ng araw
luha'y umagos sa mga mata.
Pangalan mo'y sinisigaw 
sa sandaling ika'y di humihinga.
Sa pagpantay ng mga paa
hudyat ng pagdadalamhati.


Habang tumatangis, kamalayan nagising
sa masakit na pangyayaring naganap.
Waring gustuhing maibalik ang oras 
kung saan ika'y kapiling.
Mga pagsasama'y inaalala
na pagdurugo ng mga puso'y nangyayari.


Labag sa kalooban
ngunit sa masakit na katotohanan.
Panaginip sana mga ito
pero sadyang ganap na.
Iniisip na ika'y buhay pa
ngunit sa ala-ala na lang.


Nawa'y sa iyong paglalakbay
hiling sana'y pag-gabay.
Sa sandaling nagkasama
iniisip nalang sa tuwina.
Iyong larawan na lamang
ang magsisilbing presensya.


Mga ala-ala sa amin
tiyak sa puso'y mananatili.
Mga pangaral sa buhay
sa isipan ay lalagak.
Nawa'y sa iyong pamamahinga
kapayapaan at kapanatagan iyong madama.
~Lolo

No comments:

Post a Comment